Mali ang Edukasyon sa Kolehiyo
(Pagsang-ayon)
Isa kayang posibilidad na sa halip na maging tunay na edukasyon ang itinuturo sa kolehiyo ay maling edukasyon? Oo, ang sagot ni Jorge Bocobo. Isa itong kabalintunan subalit hindi maitatatwang katotohanan- mapait at walang–awang katotohanan. Naniniwala tayong lahat sa kahalagahan ng edukasyon sa unibersidad, kung kaya nga tayo’y nag-aaral sa mga unibersidad. Datapwat katulad ng mga paraan upang mapaunlad ang pamumuhay, nagagamit ang edukasyon upang magtayo o maggupo, magturo o manlinlang, dagdag pa ni Jorge.
Ako rin ay sumasang-ayon sa kanya na maaari talagang maging katuwang natin ang edukasyon sa pagtayo tungo sa ikauunlad ng ating mga sarili o kaya’y mangwasak pati na ng kapwa.
Bakit nga kaya maaaring magdulot ng mga negatibong epekto at makasama sa atin ang pagpasok sa kolehiyo ni hindi man lamang ito pumasok sa ating isipan?
Una naririyan ang di-rasyunal na pagsamba sa mga pahina. Dahil sa kagustuhan nilang dumami ang mga impormayong nais malaman, ang mga estudyante sa kolehiyo ay mahihilig sanang magbasa ngunit hanggang sa literal na depinisyon lang ang iniintindi. Ayaw na nilang alamin pa ang mga malalalim na kahulugan, mas mahiwaga, o kaya’y literaturang kahulugan. Gusto nila puro teknikal na depinisyon. “Kung anong ibig sabihin ng pangungusap o salita iyon na yun,” yan ang sabi nila, na mali. Kasi kapag binigyan mo lang ng normal (literal) na pakahulugan ang isang istorya at hindi na isinasaalang-alang ang kahalagahan ng binasa sa buhay mo walang mangyayaring pagbabago sa iyong sarili. Oo nga sa intelek o akademikong kaalaman merong nadagdag ngunit sa pagkatao wala.
Noong nasa elementarya ako naitanong ko sa sarili, “bakit kaya may sabjek pa kaming GMRC wala namang naitutulong?” Ang exam supersimple, common sense. Kasi di ba ang mga tanong lang naman sa GMRC ay gaya ng, may nakita kang uugud-ugod na matanda na tatawid sa kalsada, anong gagawin mo, A)aalalayan, b)babatuhin o, c)iisnabin? Diba, common sense? Kaya naman nasabi ko nuon “nasasayang lang ang panahon ko sa GMRC hindi ko na ito kailangan.” Subalit nang nasa hayskul na ako saka ko lang napagtanto na ang GMRC pala ang pinamahalagang sabjek sa elemntarya, dahil ito ay sabjek na nagpapabago hindi ng intelek kundi ng pagkatao. Tanong ko naman sa hayskul, bakit ko kaya nasabi noon na ang GMRC ay hindi na kailangan pa sa elementarya,? Iyon pala ay sa kadahilanang musmos pa ang aking pag-iisip nuon. Hindi ko pa alam kung paano alamin ang literaturang mensahe ng isang impormasyon. Puro ako literal na pakahulugan nuon. Ang alam ko lang dapat may madagdag sa akin na akademikong kaalaman.
Sabi sa kasulatan, “turuan mo ang iyong anak habang siya’y bata pa nang sa gayon humiwalay man siya saiyo ay magi siyang mabuti.”
Kaya pala inilagay ng Gobyerno ang GMRC sa kurikulum sa elementarya dahil mas madaling turuan ng pagpapahalaga ang tao habang siya ay bata pa.
Ngayon bakit ko pinagsasasabi ang kahalagahan ng GMRC sa report na ito? Sapagkat sa GMRC sa elementarya litaw kapwa ang literal at literaturang kahulugan ng istorya. Kita kaagad ang mga pagpapahalaga(values) na makapagpapaangat ng ating pagkatao. Subalit ang mga babasahin sa kolehiyo ay malalalim ang literaturang kahulugan. Minsan naman sobrang babaw na hindi na natin napapansin at pinapahalagahan. Ngunit anuman ang mangyari, dahil karamihan sa mga babasahin(literatura) ay may magandang mensahe sa ating buhay dapat nating alamin ang kanilang literaturang kahulugan para may mabago sa atin.
Ito ang tinutumbok ni Jorge Bocobo sa kanyang unang pagpapamali sa edukasyon sa kolehiyo. Gusto halos lahat basahin ng mga estudyante sa kolehiyo ang mga aklat na makapagpapabundok sa kanilang pag-iisip na hindi man lamang nanghihinayang na alamin ang tunay o literaturang mensahe na sana’y makatutulong sa kanilang sarili tungo sa mas mataas na pagpapahalaga.
Bakit kaya naging mali ang kolehiyong edukasyon pagdating sa pagbasa? Sapagkat hindi na naituro ng mga guro ang teknik na dapat alamin sa pagkuha ng ideya sa mga aklat. Ngunit kailangan pa ba ‘yon? Hindi na iyon kailangan. Hindi na tayo mga bata sa elementarya na kailangan pang subuan ng ating mga guro ng moral na mensahe ng isang nabasang kwento.
Kapag patuloy tayong hahanap lang ng literal na mensahe ng isang kwento o impormasyon, gabundok man ito karami, sayang lang. Dahil hindi nga umunlad ang ating karakter. Walang nagyaring ebolusyon sa ating pagpapahalaga(values).
Isa pa, kapag literal na kahulugan lang ang kinukuha natin sa isang impormasyon para lang tayo niyang kumukuha ng ideya word for word. At dahil word for word para lang tayong kumukopya nyan. At dahil kinopya, walang originality. At dahil hindi sa’yo malabo mo yan idepensa. Saka idepensa’t iargumento mo man yang ideyang hindi sa’yo magmamayabang ka lang. Kaya sa kadulu-duluhan walang masayang makikipag-usap sa’yong tao, na may malinaw na pangangatwiran katulad ng ordinaryong si Juan dela Cruz. Magiging totoo ang mga negatibong epekto sa atin na sinabi ni Jorge Bocobo, lalabo ang ating mga pangangatwiran, mawawala ang kakayahang mag-isip sa malinaw at makapangyarihang paraan, at higit sa lahat mawawala ang ating iwing karapatan- ang mag-isip na galing sa sarili, ang mangatwiran sa sariling paraan.
Kaya kung naging mas maalam tayo kaysa kay ordinaryong Juan dela Cruz dahil sa tayo’y nagkaroon ng kolehiyong edukasyon ipakita natin na tayo’y nagkaroon ng mas mayabong na pag-iisip sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng ating mas gumagandang ugali, gumagaling na pakikitungo, at tumataas na pagpapahalga sa kanila.
Diyan maipapakita na ang nakatuntong sa kolehiyo ay mas magaling kaysa isang ordinaryong Juan dela Cruz. Hayaan natin kapag nagawa nating magbago tungo sa mas mataas na pagpapahalaga ay bigla na lang tayong makaririnig mula sa ordinaryong Juan dela Cruz mula sa kanyang hindi mapagmalaking puso, “oo, tama ka, mas magaling ka talaga kaysa sa akin.”
Diyan rin matutupad ang kasabihang, “the higher you go in any organization of value, the better attitude you’ll find.” Sana mangyari yan sa ating organisasyon- ang kolehiyo.
At kung magpapaimpluwensiya lang tayo sa mga naggagandahang literatura na gaya nitong sanaysay malamang ang sikat na kasabihan ay magiging madaling maging tao madaling magpakatao.
Pangalawa, ginawang pangunahin at panghuling layunin ng maraming estudyante ang pagiging mahusay na propesyonal. Ipinasya nilang maging magaling na abugado, inhinyero, guro at magsasaka. Dito sinasabi ni Jorge na karamihan sa mga estudyante na pumapasok sa unibersidad ay nakasentro na ang pag-iisip sa kani-kanyang ambisyon. Laging laman ng isip ng isang estudyante sa kolehiyo, “dapat makapasa ako ng mga requirements. Dapat makakuha ng mataas na grado. Dapat magi akong number one sa klase. Pagkatapos sa kolehiyo iisipin naman ang board exam. Dapat topnotcher. Magrereview ako ng mabuti.” Halimbawa nagtopnotch talaga siya, siyempre tanggap siya sa malaking kompanya. At alam niyo ba ang susunod niyang gagawin? Pagkatapos niyang matanggap sa trabaho gagawin niya na ang lahat para umangat ng umangat sa posisyon.. Halos lahat ng kanyang buhay pagkatapos ng kolehiyo ay pagpapaunlad ng sarili ang laman ng isipan. Hindi niya na napansin ang mga maliliit na bagay na nagpapaganda at nagbibigay-buhay sa mundo natin. Nagiging makitid ang kanyang pananaw sa buhay. Wala na siyang pakialam basta gumanda lang ang kanyang karir at dumami ang pisikal na kayamanan. At ang masakit hindi na nga siya dumadamay sa kapwa, nagigi pang dahilan ang kanyang ambisyon upang mantapak ng nakabababa sa kanya.
Bakit ba mali ang unibersidad sa pagbigay ng edukasyon sa kolehiyo pagdating sa isyung ito? Siguro dahil walang gurong nagsasabi sa estudyante na, “student, paminsan-minsan lumabas din kayo sa inyong mga sarili at magmasdan ninyo ang kagandahan ng ating mundo. Makisalamuha kayo sa ibang tao.” Pero minsan meron ding mga guro na nagpapaalala niyan. Katulad ng mga guro sa literatura. Minsan parang may natandaan akong nagsabi na sa amin (ng kagaya sa taas), “parang gusto kong pumunta sa bukid.” “Namimiss ko ang amoy at pakiramdam ng halumigmig ng hangin dun. Kayo rin subukan niyo. Masaya . Superganda!” “Hahaha,” halakhak pa niya.
Pangatlo, pinalalabo ng ganitong espesyalisasyon ang pananaw sa buhay. Naging makitid at di-maganda ang ating pilosopiya sa buhay sapagkat nasana’y na tayong mag-isip ng tungkol sa maalwang buhay (self-explanatory, kapareho ng ikalawang isyu).
Tandaan lang natin kahit ano pa ang ating ambisyon sa buhay maging mababa man ito o mataas pa sa ulap huwag nating kalimutan na ang pinakaimportanteng bagay dito sa mundo ay ang tao. Sayang naman kung ang buong pag-iisip at pananaw ng isang tao ay ang makiusap lamang sa pera.
Sabi ni Jorge Bocobo mas marunong pa raw si ordinaryong Juan dela Cruz kaysa kay edukadong Juan dela Cruz sapagkat natuklasan ng una ang hiwaga ng buhay. Kaya mga kamag-aral huwag nating hayaan na mawala sa atin ang dati na nating alam na karunungan. Lalo na kapag umasenso tayo sa buhay. Kasi tayo na ang susunod na patatamaan ng sanaysay na ito ni Jorge Bocobo. Tanong ko lang di ba alam naman natin kung bakit tayo nabubuhay, hindi ba?
Bilang pagtatapos mag-iiwan ako ng isang kasabihan:
People don’t care how much you know
until they know how much you care.
Una pa ring hinahanap ng tao ang pagmamahal ng kapwa higit sa lahat.
Salamat.
March 10, 2008 at 4:25 am
tama ka. yan talaga ang problema ng sistema ng edukasyon dito sa Pilipinas. Kaya tayo laging huli sa ibang bansa dahil sa “obsolete knowledge” na itinuturo sa atin sa kolehiyo. dapat sigurong gumawa na ng hakbang ang mga kolehiyo at unibersidad dito sa Pilipinas at baguhin ang bulok na sistema ng edukasyon.